Draft: POLSC 196 syllabus (Filipino)

Unibersidad ng Pilipinas
Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya
Departamento ng Agham Pampulitika
Diliman, Lungsod Quezon

Agham Pampulitika 196: Mga Kaisipang Pulitikal sa Pilipinas
Ikalawang Semestre 2014-2015

Jan Robert R Go
Katuwang na Propesor

Ang Agham Pampulitika 196 (Mga Kaisipang Pulitikal sa Pilipinas) ay isang kurso tungkol sa kaisipang pulitikal at konstitusyunal ng mga piling Pilipinong bayani, akademiko, pulitiko, at manunulat. Magsisilbi ito bilang isang paglalagom ng mga ideya sa iba’t ibang yugto ng kasaysayang Pilipino mula sa pananakop ng España hanggang sa kontemporaryong panahon.

Ang kursong ito ay nasa ilalim ng Area V (Teorya at Metolohiyang Pulitikal). Tanging ang mga mag-aaral na nasa ika-apat na antas o may katayuang ‘Magtatapos’ ang pahihintulutang maging kabilang sa kursong ito. Gayundin, inaasahan na ang mga mag-aaral ay nakakuha na at pumasa sa Agham Pampulitika 11 at 14, at Agham Panlipunan 2. Bagama’t hindi opisyal na hinihingi, magandang may kaalaman na ang mag-aaral sa mga ideya, konsepto, at teoryang pulitikal. Kung wala ang mga nabanggit, maaaring humingi ng pahintulot sa guro upang matanggap sa kurso. Ang kurso ay may bigat na 3.00 yunits.

Mga Layunin ng Kurso

May taltong pangunahing layunin ang kursong ito. Ito ay ang mga sumusunod:

  1. Pagbibigay-kaalaman tungkol sa iba’t ibang kaisipang pulitikal sa Pilipinas batay sa mga likha at akda ng piling Pilipino sa iba’t ibang larangan tulad ng akademya, pulitika, at sining. Kasama na rin sa layuning ito ang pagpapatibay ng kakayahang maghambing (i.e. pagkakaiba at pagkakatulad) ng mga mag-aaral ng iba’t ibang kaisipan.
  2. Pagiging pamilyar sa mga katanungan na may kinalaman at/o tungkol sa larangan ng agham pampulitika sa Pilipinas. Layunin rin ng kurso na himukin ang mga mag-aaral na maging kritikal sa mga ideya, mapanuri sa mga teorya, at mapagtanong sa mga konseptong ibinabahagi sa mga babasahing likha at akda. Nais ng kurso na magtanong ang mga mag-aaral tungkol sa katuturan ng mga ideyang ihinahain sa kanila.
  3. Pagbubukas ng kamalayan upang mas mahusay na maipaliwanag kung papaano ang mga kaisipan at katanungang nabanggit ay makabuluhan sa mga institusyon, kilusan, at prosesong matatagpuan sa kasalukuyang lipunang Pilipino.

Mga Lapit sa Kurso

Ang kursong ito ay binuo gamit ang tatlong lapit (approaches) sa pag-aaral ng kaisipang pulitikal. Ito ay ang mga sumusunod:

  1. Ang unang lapit ay may kinalaman sa orihinal na akda (locus classicus) kung saan matatagpuan ang mga ideyang pulitikal. Sa pagbabasa natin ng mga orihinal na isinulat, mas makukuha natin ang nais na iparating ng mga may-akda.
  2. Ang ikalawang lapit ay may kinalaman sa mga interpretasyon at pagtingin ng ibang dalubhasa sa mga orihinal na akda. Sa ganitong paraan, nakikita natin kung papaano binibigyang-saysay ang mga ideyang inihahain sa mga akdang babasahin sa kurso. Ngunit, hindi ibig sabihin na kailangang sumang-ayon tayo sa kanilang interpretasyon o pagtingin.
  3. Ang ikatlo at huling lapit ay kaugnay sa ikatlong layunin ng kurso: ang paghahanap ng kabuluhan. Malaki ang bahaging gagampanan ng mga mag-aaral sa lapit na ito. Sa paraang ito maipapalabas ang kaugnayan ng mga ideyang binitiwan ng mga may-akda sa iba’t ibang panahon sa ating kasalukuyang pamumuhay. Dito, inaasahang maging bukas at kritikal ang mga mag-aaral sa pagsusuri ng mga ideya.

Ang Pagtatasa sa Kurso at mga Patakaran sa Pagmamarka

Ang mga mag-aaral ay mamarkahan batay sa kanilang aktibong pakikilahok sa talakayan at pagsusumite ng iba’t ibang rekisito para sa kursong ito. Tandaan lamang na hindi minamarkahan ang kabuuan ng kaalaman ng mga mag-aaral kundi ang mga isusumite para sa kurso. Ang mga sumusunod ang mga pangunahing batayan ng pagmamarka sa kursong ito, kasama ang paglalarawan sa kalikasan at bigat ng bawat rekisito:

Dalawang (2) mahabang pagsusulit o iuuwing sanaysay (40%)
Batay sa mapagkakasunduan ng mga mag-aaral, ang lahat ay kinakailangan kumuha o magsumite ng dalawang mahabang pagsusulit o iuuwing sanaysay. Ang bawat isa ay may bigat na dalawampung bahagdan (20%) o apat na pung bahagdan sa kabuuan (40%). Ang mga pagsusulit ay sa anyong sanaysay na tatasa sa lawak at lalim ng kaalaman ng bawat mag-aaral tungkol sa mga saklaw na paksa. Kung ang pipiliin naman ay iuuwing sanaysay, may isa o dalawang katanungan na dapat sagutin ang mga mag-aaral sa loob ng dalawampu’t apat na oras. Ang iba pang mga detalye ay ipaliliwanag sa klase ng guro.

Pinahabang sanaysay (20%)
Ang bawat isang mag-aaral ay kinakailangang magsumite ng isang pinahabang sanaysay sa pagtatapos ng kurso. Magbibigay ng isang tanong ang guro na magiging paksa ng sanaysay. Ang bawat sanaysay ay mayroon dapat hindi bababa sa 2500 ngunit hindi tataas sa 3000 salita. Ang katanungan para sa sanaysay at iba pang mga detalye ay ipaliliwanag sa klase ng guro. Ito ay mag bigat na dalawampung bahagdan.

Paglalahad ng Paksa (15%)
Bubuo ng hindi hihigit sa labinlimang pares ang mga mag-aaral. Ang bawat pares ay pipili ng isang may-akda/paksang ilalahad sa buong klase. Kasama sa paglalahad ay ang mga sumusunod: (1) maikling talambuhay ng may-akda, (2) tatlo hanggang limang mahahalagang kaisipan mula sa may-akda, at (3) pagsusuri sa mga kaisipang pinili. Ito ay dapat gawin sa loob ng 45 minuto. Ang nalalabing oras ay gagamitin sa talakayan. Maaaring magbigay ng buod ng paglalahad na ipamamahagi sa mga kamag-aral. Hindi kinakailangang umasa sa mga kagamitang elektroniko sa paglalahad. Mas maganda kung magiging malikhain ang bawat pares. Ang pagpili ng paksa at iba pang mga detalye ay ipaliliwanag sa klase ng guro. Ito ay mag bigat na labinlimang bahagdan.

Malikhaing Proyekto (15%)
Dahil hindi madalas buksan ang kurso sa kaisipang pulitikal sa Pilipinas, iilan lamang ang may kaalaman tungkol dito. Upang mapalaganap ang kaalaman sa paksa ng kurso, ang mga mag-aaral ay maaaring bumuo ng dalawa hanggang tatlong pangkat na gagawa ng isang proyekto. Kung mapagkaisahan na buong klase ang gagawa ng isang proyekto, ito ay maaari rin. Ang proyekto ay maaaring eksibit, poster, talakayan, blog, page, o kung anumang mapagkasunduan ng mga pangkat o ng buong klase. Ang iba pang mga detalye ay ipaliliwanag sa klase ng guro. Ito ay mag bigat na labinlimang bahagdan.

Pakikilahok sa Talakayan (10%)
Ang bawat mag-aaral ay inaasahang makikilahok ng aktibo sa talakayan sa klase. Upang maging maganda ang daloy ng talakayan, inaasahang nagbasa ang bawat isa kahit hindi sila ang nakatalaga upang maglahad sa klase. Pagkatapos ng bawat paglalahad, ang guro ay mangangalap ng mga tanong na pag-uusapan ng lahat. Maaari ring magkaroon ng iba’t ibang uri ng ugnayan sa klase tulad ng debate, panayam, at iba pa. Hindi garantiya ang pagsasalita sa klase upang magkaroon ng puntos. Kailangang may laman at saysay ang mga sagot. Ito ay mag bigat na sampung bahagdan.

Advertisements
Draft: POLSC 196 syllabus (Filipino)

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s